Top 5 most wanted sa Region 2 nadakma
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya MANILA, Philippines — Isang 50-anyos na ama na nahaharap sa kasong paulit-ulit na panggagahasa sa sariling anak na menor-de-edad at itinuturing na “Top 5 most wanted person” ng Cagayan Valley (Region-2) ang nadakip ng mga awtoridad sa bayan ng Bambang sa lalawigang ito, kamakalawa.
Kinilala ni Police Colonel Ranser Evasco, director ng Nueva Vizcaya Provincial Police Office (NVPPO) ang nadakip na si Diosdado Telan, residente ng Barangay Macate Bambang at Number 1 most wanted ng Nueva Vizcaya.
Armado ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Paul Attolba, Jr. ng Regional Trial Court Branch 30, dinakip ng pinagsanib na puwersa ng Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company (NVPMFC), Provincial Intelligence Branch (PIB), Criminal Investigation and Detection Group (IDG), NVPPO at Bambang Police si Telan dahil sa kasong 4 counts of rape at 2 counts of rape by sexual assault.
Ayon sa report ng Women and Children’s Protection Desk ng PNP, paulit-ulit umanong ginahasa at minolestya ng akusado ang kanyang sariling anak simula nang siya ay 16-anyos pa lamang.
Napag-alaman na mag-isa lamang umano ang biktima sa poder ng kanyang ama matapos mag-asawa ang mga kapatid na lalaki habang ang kanyang ina ay may ibang pamilya na umanong inuuwian.
Mariin namang itinanggi ng suspek sa pulisya ang reklamo at sinabing gumagawa lamang ng kuwento ang kanyang anak.
- Latest