Babaeng guro itinumba sa Quezon
SARIAYA, Quezon, Philippines — Palaisipan ngayon sa mga otoridad ang motibo sa pagpaslang sa isang babaeng guro kamakalawa ng hapon sa Sitio Berhinan, Barangay Manggalang 1 ng bayang Ito.
Ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala ng kalibre 45 sa iba’t ibang parte ng katawan ay nakilalang si Marilou Lagaya, 48, may asawa, guro sa Manggalang Elementary School at residente ng Barangay Montecillo.
Ayon kay P/Lt. Col. William Angway, chief of police dito, alas-3:40 ng hapon ay kagagaling lamang ng biktima sa nabanggit na paaralan at nagback-ride sa Rusi motorcycle na minamaneho ng pinsang si Maricel si Gutierrez upang umuwi sa kanilang bahay.
Nang bahagyang huminto ang motorsiklo ay nilapitan umano ang biktima ng isang hindi nakilalang lalaki at walang sabi-sabing pinagbabaril ito ng kalibre 45 saka walang buhay na sumubsob sa sementadong kalye.
Hindi naman sinaktan si Maricel ng salarin bago tumakas patungo sa direksyon ng Barangay Manggalang Tulo.
Sa pagsisiyasat sa crime scene ng SOCO, nakarekober sila ng pitong basyo ng kalibre 45.
Inatasan na ni Angway ang kanyang mga tauhan na tugisin ang salarin.
- Latest