CASIGURAN, Sorsogon, Philippines — Bulagta ang isang 26-anyos na binata matapos na makipagbarilan sa mga aarestong pulis sa kanyang kasong attempted homicide sa safehouse nito sa Brgy. Burgos ng bayang ito kamakalawa ng hapon.
Ang suspek na namatay noon din dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si Jimboy Guardian Miranda, ng Brgy.Obrero, Bulan.
Sa ulat, alas-3:30 ng hapon bitbit ng pulis ang arrest warrant na ipinalabas ni Bulan MTC Judge Emerson Carpio ay sinalakay ang pinagtataguan ng suspek.
Gayunman, palapit pa lang ang mga pulis ay pinutukan na sila umano nito kaya napilitang gumanti ang mga operatiba at napaslang ang suspek.
Narekober mula kay Miranda ang isang Glock 9mm na baril na burado ang serial number, mga bala at personal na gamit.