MANILA, Philippines — Patay ang isang lalaki sa Southern Leyte matapos na mabagsakan ng puno nang humagupit ang bagyong Bising sa Eastern Visayas.
Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD)-Regional Office, nakilala ang biktima na si Alberto Wales, 79, ng San Isidro Village, St. Bernard, Southern Leyte. Siya ay dead-on-arrival sa Anahawan District Hospital dakong alas-5:30 ng hapon noong Linggo.
Samantala, nasa 13,692 indibiduwal ang inilikas sa mas ligtas na lugar sa Biliran, Samar, Northern Samar, Eastern Samar, at Leyte. Mataas na mga pagbaha rin ang naranasan sa may 42 villages sa Northern Samar at 24 villages sa Eastern Samar.
Umaabot naman sa 1,196 pasahero, 521 sasakyan, at 17 sea vessels mula sa iba’t ibang pantalan sa Northern Samar, Samar, Leyte, at Southern Leyte ang na-stranded. Kanselado rin ang mga biyahe sa Tacloban Airport simula pa noong Sabado.
Hindi pa rin madaanan ang Biliran-Naval Road, Paranas - Taft-Borongan Road, at Taft-Oras -San Policarpo-Arteche Road dahil sa mga pagbaha.
Nabatid kay OCD Eastern Visayas Regional Director Lord Byron Torrecarion na patuloy ang mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Eastern Visayas. Ilan din sa mga lugar tulad sa Tacloban City; Ormoc City; Leyte, Northern Samar, Samar, at Southern Leyte; at Eastern Samar province ang nawalan ng supply ng kuryente.
Nasa tropical cyclone warning Signal No. 2 simula pa noong Sabado ang Samar, Eastern Samar, Northern Samar, at Biliran habang Signal No. 1 naman ang Leyte at Southern Leyte.