SAN ANTONIO, Zambales , Philippines — Natagpuang palutang-lutang sa dagat at wala nang buhay ang isang Korean national habang patuloy na pinaghahanap ang isang babae na kasama nito sa pamamasyal sa Capones Island ng bayang ito kamakalawa.
Kinilala ang dayuhang nasawi na si Changman Lee, 53-anyos, may asawa at residente ng Mahogany St. Binictican, Subic Bay Freeport Zone habang ang nawawalang babae ay nakilalang si Hyun Jung Han, 52-anyos.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, bandang alas-10:30 ng umaga kamakalawa nang arkilahin ng dalawa ang bangka ni Wilson Montessa para magpahatid sa Capones Island.
Nang makarating sa destinasyon, sinabihan umano ang bangkero na bumalik na lang kinabukasan bandang alas-8 ng umaga upang sunduin ang mga biktima.
Gayunman, nang bumalik ang bangkero kinabukasan ay nakita na lamang niyang palutang-lutang sa dagat ang lalaking Koreano may 5 metro ang layo mula sa dalampasigan habang nawawala ang babaeng kasama nito na pinaghahanap na ng mga awtoridad. Patuloy pa ang malalimang imbestigasyon sa insidente.