TAYABAS CITY, Philippines — Arestado ang dalawang pinaghihinalaang big time drug trafficker makaraang makumpiskahan ng mahigit P3 milyong halaga ng shabu sa ikinasang joint buy-bust operation ng mga awtoridad kamakalawa ng gabi sa Barangay Calumpang ng lungsod na ito.
Kinilala ang mga nadakip na sina Edwin Luistro, 50, grader operator at Nolly Batoto, 52; kapwa residente ng Catanauan, Quezon.
Sa report na tinanggap ni Acting Quezon Provincial Police Office (PPO) Director P/Col. Ericson Dilag mula kay P/Major Romar Pacis, hepe ng pulisya ng Tayabas City, dakong alas-6 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang Tayabas Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 4A sa Brgy. Calumpang ng lungsod.
Ayon kay Pacis, isang undercover agent ng Tayabas City Police ang nagpanggap na poseur buyer na bumili ng isang transparent plastic na naglalaman ng shabu na tumitimbang ng 3.59 gramo na nasa P73,236 sa suspect na si Luistro.
Ang suspect ay inaresto sa aktong iniaabot ang nasabing halaga ng droga sa undercover agent habang arestado rin ang kasamahan nitong si Batoto habang nagtatangkang tumakas lulan ng Nissan Navarra na may conduction sticker F4 J114.
Nakumpiska pa mula kay Luistro ang karagdagan pang 48.76 gramo mg shabu na nagkakahalaga ng P994,704.00 at P1,000 marked money at 9 piraso ng P1,000 boodle money.
Nagtangka namang tumakas si Batoto pero nasukol at nakuha sa loob ng sasakyan nito ang karagdagang 103.5 gramo ng shabu na may halagang P2,111,400.
Sa kabuuan umano ay nasa 155.85 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3,179,340 ang nakumpiska lahat sa dalawang suspek.- Tony Sandoval