Big-time lady ‘pusher’ huli sa P1.7 milyong shabu
CAVITE, Philippines — Aabot sa mahigit sa P1.7 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang 29-anyos na misis na kilalang big-time drug pusher sa isang drug deal na ikinasa ng pulisya sa tapat ng kilalang food chain kamakalawa ng hapon sa Brgy. Gavino Madera, Gen. Mariano Alvarez, dito.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Sulayka Ogagang alias “Layking Casar”, 29-anyos, may asawa ng Blk. 33 Lot 10, Brgy. Datu Esmael, Dasmariñas City at kabilang umano sa drug watchlist ng pulisya.
Kasunod ng ilang araw na surveillance, ikinasa ang buy-bust operation laban kay Ogagang ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng GMA Police na pimamumunuan ni P/ Major Gilbert Delta, hepe ng pulisya sa bayang ito kasama ang mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dakong alas-2:30 ng hapon sa tapat ng isang food chain sa Brgy. Gavino Maderan.
Nang magkapalitan ng droga at marked money, agad inaresto ang suspek. Narekober sa kanya ang apat na malalaking plastic sachet ng shabu na may mahigit 260 gramo at aabot sa halagang P1,768,000.
Nakuha rin sa suspek ang isang handbag at 10 piraso ng tig-1000 peso bill na buy-bust money.
- Latest