Pamamahagi ng ayuda sa Bulacan ininspeksyon ni DSWD Sec. Bautista
PLARIDEL, Bulacan, Philippines — Personal na ininspeksyon ni Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista ang ginagawang pamamahagi ng ayuda sa mga benepisyaryo sa lalawigang ito.
Sa kanyang pahayag, pinayuhan ni Bautista ang may 2.9 milyong Bulakenyong benepisyaryo na gastusin lamang sa pinaka-kailangan ang natanggap na financial assistance.
Sa ginawang inspeksyon ng kalihim sa pay-out sa mga bayan ng Plaridel at Santa Maria, binigyang diin niya na hindi naging madali na makahanap nang pondo upang magkaroon ng maibibigay sa mga pamilyang pinakanaapektuhan ng muling pinairal na Enhanced Community Quarantine.
Sinadya ni Bautista ang liblib na barangay ng Lalangan sa bayan ng Plaridel kung saan may 444 na mga pamilya o 1,541 na indibiduwal na benepisyaryo. Bahagi sila ng may 89,595 mga taga-Plaridel na benepisyaryo ng ayuda na nilaanan ng 89.5 milyong psio ng Department of Budget and Management o DBM.
Pinapurihan naman ng kalihim ang maayos, sistematiko at mabilis na pamamahagi ng ayuda sa Barangay Lalangan.
Sinadya rin ni Bautista ang barangay Lalakhan sa bayan ng Santa Maria na may 417 pamilya o 1,361 benepisyaryo. Bahagi sila ng 236,966 na mga benepisyaryo sa nasabing bayan na pangalawang pinakamarami sa buong Bulacan.
May halagang P236.9 milyon ang inilabas ng DBM sa pamahalaang bayan ng Santa Maria para sa naturang cash assistance.
Kaugnay nito, nasa kasagsagan na rin ng pamamahagi ng ayuda sa Guiguinto para sa may 85,789 na mga benepisyaryo gamit ang 85.7 milyong pisong ipinagkaloob ng DBM sa pamahalaang bayan.
Nilinaw ni Bautista na prayoridad ng ahensya sa pagkakaloob ng ayuda ang mga nasa tinatawag na informal sector gaya ng solo pa-rents, persons with di-sability, senior citizens, indigenous peoples at iba pang kaugnay nito.
- Latest