Get-away car tumaob: Pusher, arestado

Sa ulat na nakarating kay Police Col. Jaime Santos, Nueva Ecija Police provincial director,nakilala ang naarestong suspek na si Vincent Muncal, 29, binata, jobless ng De Guzman Subd., Barangay Bantug Norte.
STAR/File

CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Hindi na nagawang matakasan ng isang drug pusher ang mga pulis na humahabol sa kanya matapos tumaob ang sinasakyan nitong kotse naganap sa kahabaan ng Tandang Sora St., Barangay Magsaysay Sur ng nasabing lungsod na ito kamakalawa ng gabi.

Sa ulat na nakarating kay Police Col. Jaime Santos, Nueva Ecija Police provincial director,nakilala ang naarestong suspek na si Vincent Muncal, 29, binata, jobless ng De Guzman Subd., Barangay Bantug Norte.

Ayon kay Santos, magkatuwang na nagsagawa ng buy-bust operation ang Talavera at Cabanatuan City PNP laban sa suspek sa harap ng isang convenience store (7/11) sa Barangay Mabini, bandang alas-8:30 ng gabi, ngunit nakatunog ito na pulis ang kanyang ka-transaksyon.

Kaya’t tinakbuhan na ng suspek ang mga operatiba, sakay ng kulay asul na Nissaan Sentra Sedan, may plakang PMS-328 at paglampas sa ospital ng Wesleyan University-Phi­lippines ay binalak nitong dumaan sa Vergara Highway upang matakasan ang mga humahabol na pulisya, ngunit nadiskaril ito nang biglang mawalan ng kontrol at bumaligtad ang kotseng kanyang sinasakyan.

Naabutan ang suspek ng arresting team ng pulisya sa pamumuno ni Lt. Col. Heryl Bruno, hepe ng Talavera PNP, at nadakma ito kasama ng 12-pang piraso ng plastic sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana, na may timbang na 8 gramo at nagkakahalaga ng P46,000.

Show comments