Trader at magsasaka tiklo sa mahigit P1 milyong shabu

CABANATUAN CITY, Nueva Ecija , Philippines — Kapwa arestado ang isang magsaka at dayong negos­yanteng lalaki matapos mahulihan ng mahigit P1.022-M halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Purok 6 ng Barangay H-Concepcion, ng lungsod na ito, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni P/Lt. Col. Barnard Danie Dasugo, hepe ng pulisya rito, ang dalawang nahuling suspek na sina Christopher dela Cruz, alyas “Ian”, 33-anyos, may-asawa at magsasaka ng Purok 6, Brgy. San Josef Sur, Cabanatuan City; at si Gendel Alamon, alyas “Gembong”, 44, may-asawa ng Purok 3, Brgy. Bibiclat, Aliaga, Nueva Ecija.

Ayon sa ulat, nabentahan ng suspek na si “Ian” ang police poseur buyer ng 3 plastic sachet ng umano’y shabu kapalit ng P1,500 marked money, bandang alas-3:30 ng Huwebes ng madaling-araw, habang nakamasid sa likuran ang isa pang suspek na si “Gembong”.

Dahil dito, agad na inaresto ang dalawang suspek at nang kapkapan sila ay may nakuha pang 20-piraso ng plastic sachet ng umano’y shabu at isang digital weighing scale mula sa suspek na si Dela Cruz, habang 10 namang piraso ng plastic sachet ng hinihinalang shabu at isang homemade cal.38 pistol na may 6 na bala ang nakuha naman mula sa suspek na si Alamon.

Aabot sa 33-plastic sachets ng sinasabing shabu ang nakuha sa dalawang suspek na may timbang na 150.35 grams at aabot sa P1,022,380 ang halaga nito.

Kapwa nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa RA9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.

Show comments