Barko lumubog: 8 nawawala, 3 nasagip
JOSE PANGANIBAN, Camarines Norte , Philippines — Nagsasagawa ngayon ng search and rescue operation ang mga awtoridad para sa walong nawawalang mangingisda makaraang lumubog ang kanilang sinasakyang fishing vessel nang salubungin at hampasin sila ng mga higanteng alon sa karagatan sa may Parola Island sa Brgy. Osmeña ng bayang ito, kamakalawa ng umaga.
Sa ulat, tatlo sa 11 na lulan ng barkong pangisda ang agad isinugod sa Jose Panganiban Primary Hospital na kinilalang sina Danilo Dalison, 59 anyos, Rolly Dela Torre, 44, at Restituto Magallon, 49, pawang residente ng Brgy. Caridad, Atimonan, Quezon, matapos silang mailigtas nang makitang nilalamig, nanghihina at lulutang-lutang sa dagat.
Sa ulat, dakong alas-10:30 ng umaga nang madaanan ng mga mangingisdang sina Pedro Ceballo at Ronald Braceno ng Brgy. Larap ang tatlo na palutang lutang sa karagatan at agad nilang dinala sa pinakamalapit na pampang ng Brgy. Osmeña sa Parola Island.
Humingi agad ng saklolo si Brgy. Chairman Milagros Jumao-as sa MDRRMO-Jose Panganiban at naisugod ang mga biktima sa pagamutan.
Ayon sa mga nakaligtas, kasama ang walo pang mangingisda mula sa Atimonan ay pumalaot sila sakay ng Clemente Fishing Vessel noong umaga ng Pebrero 3. Gayunman, pagdating sa gitna ng dagat ay sinalubong sila ng mga higanteng alon na nagpalubog sa kanilang barko.
- Latest