MANILA, Philippines — Kinastigo ng isang mambabatas ang ang "pambabastos" ng isang opisyal mula sa bansang Poland, matapos igiiit na hindi siya sakop ng batas ng Pilipinas matapos aniya makabangga ng Pilipino.
'Yan ang isiniwalat ngayong araw ni Zambales Rep. Cheryl Montalla sa isang talumpati sa Kamara, Lunes, kaugnay ni Polish Vice Consul Bartosz Wozniczko.
Ani Montalla, nasagi ng minamanehong "Kia Grand Carnival" ni Wozniczko ang motorsiklo ng isang Pilipino sa Brgy. Malimanga, Candelaria, Zambales — dahilan para madisgrasya. Ang matindi pa, tinakbuhan daw niya ang biktima.
"Sa pag-overtake nito ay nasagi niya ang hulihang bahagi ng motor na naging dahilan ng pagkatumba nito. [Siya'y] humarurot na lamang nang hindi man lang inalam kung ano ang nangyari sa mga biktima."
"Makikita naman po ninyo sa spot report ng Candelaria PNP na ang driver ng motor ay walang trabaho at siya po ang nabali-an ng buto sa braso."
Kasalukuyan nang tinutulungan ng team ni Montalla ang biktima at pinadalhan ng dalawang abogado para ma-assist sa kaso.
Naharang naman aniya ng Masinloc PNP ang salarin matapos alertuhin ng Candalaria police ang malalapit na istasyon.
"Upon introduction of themselves to the driver, the driver showed his Vice-Consul ID and arrogantly said that he is 'above the law," patuloy ng mambabatas.
In-invoke daw ng suspek ang Vienna Convention of 1963, dahilan para hindi siya pwedeng makasuhan. Ang problema, wala naman daw maipakitang "immunity papers" at iba pang mga dokumento si Wozniczko para mapatunayang gumagawa siya ng official function.
Tanging P10,000 lang daw ang inilabas ng opisyal lalo at sinabi pang "they are poor, anyway!" Ito'y kahit tinatayang nasa P30,000 hanggang P90,000 daw ang metal implants matapos ipaopera ang biktima.
"It was at this point, Mr. Speaker, that another person, who appeared to be the driver’s 'boss' alighted, from the car and threatened the members of the PNP that he will report the 'harassment' of the police to Secretary Delfin Lorenzana," dagdag ng solon.
Paniwala tuloy ni Montalla, maaaring maapektuhan nito ang magandang ugnayan ng Poland sa Pilipinas.
Hinihingi pa ng PSN ng mga karagdagang detalye kay Police Regional Office (PRO) Regional Director Brig. Gen. Val de Leon ngunit hindi pa rin siya tumutugon sa interview hanggang sa ngayon.
Hindi pa naman sumasagot sa panayam ang Embahada ng Republika ng Poland sa panayam hinggil sa insidente.
Persona non-grata
Bilang tugon, inihain ni Montalla ang House Resolution 1559 para hikayatin si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na ideklarang "persona non-grata" sina Wozniczko at kanyang "unidentified boss."
Pinagtatawag pa raw niyang "mangingikil" (extortionists) ang kapulisan matapos mareklamo, maliban pa 'yan sa pagtawag sa mga Pilipino bilang mga "scammer."
"[T]he despicable and deplorable statements of Vice Consult Wozniczko and his unidentified boss against us, Filipinos, must be condemned in the strongest possible terms considering that they are suipposed to be exemplars of high morals, them being official representatives of the Republic of Poland in our country."
READ: Resolution filed by Zambales Rep. Cheryl Montalla seeking to declare Polish vice consul Bartosz Wozniczko and his ‘boss’ as persona non grata for calling police officers, lawyer ‘extortionists’ and Filipinos ‘scammers’ @PhilippineStar pic.twitter.com/4xQN6FWxA7
— Edu Punay (@edupunay) February 8, 2021
Wala pa namang inilalabas na pahayag kaugnay ng isyu si Teodoro magpahanggang sa ngayon.
Ang deklarasyon ng "persona non grata" ay kadalasang ginagamit sa mga usaping pan-diplomasya upang mapaalis ang isang foreign national.
Kahit na may immunity from suit, maaari pa rin naman daw ipaaresto ng host state ang sinumang consul o consular officer kung gagawa siya ng krimen sa labas ng kanilang konsulada. Meron na rin daw mga desisyon ang Korte Suprema kaugnay niyan, wika pa ni Montalla. — may mga ulat mula kay Xave Gregorio at The STAR/Edu Punay