LUCENA CITY, Quezon, Philippines — Nalambat ng mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit( CDEU) ang lider ng isang drug group at kanyang live in partner makaraang magsagawa ng buy-bust operation sa kanilang inuupahang bahay sa Purok Tulungan, Barangay Ibabang Iyam, dito kamakalawa ng umaga.
Base sa ulat ni P/Lt. Col. Romulo Albacea, ang mga naaresto ay kinilalang sina Alexander Lamping alyas “Alex”, 23, residente ng Datu Ismael, Dasmariñas City, Cavite at lider ng Lamping Drug Group na kumikilos sa ikalawang distrito ng lalawigan ng Quezon at kabilang sa talaan ng mga high value target (HVT) at kinakasamang si Jennelyn Edrad, 23- anyos.
Nabatid na dakong alas-6:55 ng umaga nang isagawa ng mga awtoridad ang buy-bust. Nakumpiskahan ang mga suspek ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P17,952.00, P500 marked money at mga drug paraphernalia.
Ayon kay Lt. Col. Albacea, may posibilidad na naidispatsa na agad ng mga suspek ang malaking bulto ng shabu na nanggaling pa sa Cavite.