‘Akyat-bahay’ huli ng bantay-bayan

STA. ROSA, Nueva Ecija, Philippines — Nasukol ng mga rumespondeng miyembro ng bantay-bayan ang isang 19-anyos na lalaki matapos umano niyang pagnakawan ang isang apartment unit ng isang negosyante sa Purok 5, Brgy. Mapalad ng bayang ito, noong Huwebes ng gabi.

Kinilala ni P/Major Fortune Dianne Bernardo, hepe ng pulisya rito, ang nahuling suspek na si Joshua Martinez, 19, binata, ng United Village, Brgy. Kalikid Sur, Cabanatuan City.

Ayon kay Janeth Cunanan, 49, may-asawa at nakatira sa nasabing apartment, dakong alas-6 ng gabi nang umuwi siyang pagod galing sa negosyo sa Cabanatuan City. Nakatulog umano siya sa kuwarto at biglang nagising dahil sa sunud-sunod na kahol ng kanyang aso.

Dahan-dahan umanong sumilip ang ginang sa sala at nakita ang suspek na binubuksan ang drawer ng cabinet. Nang maulinigan umano ng suspek ang biktima ay agad-agad nitong kinuha ang mga alahas at cash na nagkakahalaga ng P150,000 na nasa drawer at mabilis na tumakas.

Sa puntong iyon, nagsisigaw ang biktima at humingi ng tulong sa mga kapitbahay. Mabuti na lang at may paparating na rumorondang bantay-bayan na hiningan nila ng tulong.

Sa pagmamadali ng suspek sa pagtakas, isiniksik nito sa sink ng lababo ang isa sa mga bracelet ng biktima at nagtago sa gilid ng isa sa mga apartment unit na malapit lang sa apartment ng ginang pero nasukol din siya ng mga alertong bantay-bayan.

Show comments