3 katao nalunod sa dagat at pool

Lumulutang sa dagat at patay na nang matagpuan ang isang 7-anyos na si Richard Pilos, residente ng Brgy.Daungan, Mauban, Quezon.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Tatlong katao kabilang ang dalawang bata ang nasawi sa pagkalunod sa Mauban, Quezon at Cawayan, Masbate, kamakalawa.

Lumulutang sa dagat at patay na nang matagpuan ang isang 7-anyos na si Richard Pilos, residente ng Brgy.Daungan, Mauban, Quezon.

Huling nakitang buhay si Pilos, alas-7:30 ng gabi na naglalaro sa gilid ng seawall na posibleng nadulas at nalunod at nakita ito kinaumagahan na palutang-lutang sa baybay dagat na hinahampas ng alon.

Sa Cawayan,Masbate, kapwa idineklarang dead on arrival sina Jerame Yurag,16; at Matt Xyrell Bolivar, 6-anyos, pawang residente ng Brgy. Recodo matapos malunod habang naglalaro sa swimming pool ng Mahogany Resort sa Sitio Panorama, Brgy. Poblacion ng bayang ito kamakalawa ng alas-5:10 ng hapon.

Nabatid na nagkakasayahan ang buong pamilya dahil sa ipinagdiriwang na birthday ng namayapang lolo ni Matt Xyrell at nakita pa ang mga biktima na naglalaro sa mababaw na bahagi ng swimming pool na pambata habang karga sa likod ni Jerame ang bata.

Gayunman, ilang sandali ay nakita na lang na kapwa walang malay ang mga biktima na habang palutang lutang sa adult pool na may lalim na pitong talampakan.

Agad na isinugod ang dalawa sa Cawayan District Hospital pero parehong idineklarang dead-on-arrival. , — Jorge Hallare

Show comments