MANILA, Philippines — Sibak sa kanyang posisyon bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa probinsya ng Catanduanes ang isang alagad ng batas matapos ipagtanggol ang aksyon ni Police SMSgt. Jonel Nuezca sa ginawang pagpaslang sa mga 'di armadong kapitbahay.
Nag-viral kasi, Lunes, ang Facebook post ni Bato, Catanduanes officer-in-charge Capt. Ariel Buraga tungkol sa pamamaril ni Nuezca sa sentido ng nakaalitang mag-ina sa Paniqui, Tarlac. Aniya, kasalanan ng nanay kung bakit sila pinatay dahil "wala silang respeto sa pulis."
Related Stories
"May policy din po kasi tayo sa mga pulis na 'wag gamitin ang social media sa mga opinyon na 'di magbibigay ng hustisya para sa propesyonal na pagtanaw ng PNP sa isang usapin," ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Ildebrandi Usana, Martes.
Kinumpirma na rin ng PNP Bicol Chief PBGen Bartolome Bustamante ang nangyaring pagsibak kay Buraga matapos ang ginawang victim-blaming sa mga napatay.
Ano ba kasing nangyari?
Nangyari ito matapos hilingin ni Bato Mayor Juan Rodulfo kay Catanduanes Police Provincial Director PCol. Brian Castillo nitong Lunes na palitan ang hepe ng kanilang bayan lalo dahil nakakabahala raw ang kanyang pahayag sa social media.
Narito ang sinabi ni Buraga sa Facebook kahapon, bagay na kanyang dinilete nasa ngayon: "Lesson learn[ed], kahit puti na ang buhok o ubanin na tayo eh matuto tayo rumispeto sa ating mga kapulisan... mahirap kalabanang pagtitimpi at pagpapasensya," ani Buraga, habang tinutukoy ang napatay na 52-anyos na si Sonya Gregorio.
Sa video kasi, sinabi ni Gregorio ang mga katagang "I don't care," na linya sa kanta ng Korean Pop group na 2NE1 nang pagsisigawan ng anak ni Nuezca. Ipinagtatanggol noon ng nakatatandaang Gregorio ang anak na si Frank Anthony Gregorio (25-anyos) mula sa tangkang pag-aresto.
Nang tanungin ng netizens kung sapat na ang mga katagang 'yon para barilin ang matandang babae sa ulo, sumagot lang si Buraga ng "opo" — kahit na kalaunan ay sinabi niyang mali pa rin ang pagpatay.
"SANA KAHIT MAY EDAD NA 'YUNG ISANG TAO, DAPAT MAGKAROON PA RIN NG RESPETO SA ATING KAPULISAN."
"Maling-mali" ang ginawang pamamaslang ng pulis sa mag-inang Gregorio, pero ang punto raw ni PCapt. Ariel Buraga, sana ay magkaroon pa rin daw ng respeto sa mga pulis ang publiko. pic.twitter.com/RyX1MT3qEu— News5 (@News5PH) December 22, 2020
Matatandaang nakitaan na ng "probable case" para i-charge ng dalawang counts ng murder ng Tarlac City prosecutors si Nuezca dahil sa pagpaslang. Walang piyansa na inirekomenda para sa salarin.
Nanganganib madiskwalipika si Nuezca sa serbisyo publiko kung mapatutunayang may sala, bagay na balak resolbahin ng mga otoridad sa loob lamang ng 30 araw.
Kagabi lang nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte at Interior Secretary Eduardo Año na titiyakin nilang mabibigyang hustisiya ang naulila ng karahasan habang nananatiling hindi lahat ng pulis ay abusado't "may topak." — may mga ulat mula kay The STAR/Emmanuel Tupas at News5