Taksil na misis, kinatay ni mister

MANILA, Philippines — Dahil sa matin­ding panibugho nang madiskubreng may kalaguyo, pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng isang mister ang sarili nitong misis sa Brgy. Poblacion, Mahayag, Zamboanga del Sur nitong Sabado ng madaling araw.

Kinilala ni P/Captain Edwin Duco, spokesman ng Police Regional  Office (PRO) 9 ang nasa­wing biktima na si Elma Monterola Remitar, 51, residente sa nasabing lugar.

Nahaharap naman sa kasong parricide ang tumakas na suspek na si Eduardo Remitar, 51, isang empleyado sa munisipyo ng nasabing bayan.

Batay sa imbestigas­yon, dakong alas-4 ng madaling araw komprontahin ng mister ang misis matapos umano niyang matuklasang nanganga­liwa ang huli na kumabit sa ibang lalaki.

Dahil dito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa hanggang sa pagsasaksakin ng nasabing mister sa dibdib ang kanyang misis na agarang kumitil sa buhay nito.

Dahil naman sa kalabugan ay tinungo ng anak ng mag-asawa na si Mary Eldyn ang silid ng mga magulang at halos napasigaw siya nang makitang duguan ang ina sa ibabaw ng kama at wala nang buhay.

Humingi naman ng tawad ang kaniyang ama na hawak pa ang duguang kutsilyo sa anak sa pagsasabing nagawa niya ang krimen matapos na madiskubreng pinagtataksilan siya ng kanyang misis.

Show comments