CABUSAO, Camarines Sur, Philippines — Pinaghahanap ngayon ang isang 22-anyos na mangingisda habang masuwerteng nakaligtas ang kanyang kapatid matapos na lumubog ang kanilang bangkang pangisda dahil sa hampas ng malalaking alon sa karagatang sakop ng bayang ito kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang nawawalang mangingisda na si Eduardo Carino Longcop, residente ng Sitio Villasan, Brgy. Castillo habang nakalangoy hanggang sa baybayin ng bayan at nakahingi ng saklolo ang kapatid niyang si Edmar, nasa hustong gulang.
Ayon kay Edmar sa mga pulis, dakong alas-10:30 ng umaga nang pumalot sila ng kanyang kapatid na si Ediardo para mangisda gamit ang maliit nilang bangka. Gayunman, pagdating sa gitna ng dagat ay sinalubong sila ng malalakas na alon sanhi ng masamang panahon dahilan para lumubog ang sinasakyan nilang bangka.
Agad nakalangoy si Edmar at hinanap ang kapatid na si Eduardo pero hindi na niya matagpuan kaya humingi na siya ng saklolo sa search and rescue team ng bayan.