2 miyembro ng KFR Group napatay sa checkpoint

Nakilala ang mga napatay na suspek na sina alias Kelly at Roy na mga mi­yembro ng Mokong Group na sangkot sa robbery, kidnap for ransom at ma­ging ilegal na droga.
STAR/ File

ANTIPOLO CITY, Rizal, Philippines — Dalawang armadong lalaki na miyembro ng kidnap for ransom at robbery group ang napatay ng mga tauhan ng PNP-Anti Kidnapping Group (AKG) sa checkpoint operation, kahapon ng umaga sa Marcos Highway, Sitio Painuman. Brgy. Inartawan ng nasabing lung­sod.

Nakilala ang mga napatay na suspek  na sina alias Kelly at Roy na mga mi­yembro ng Mokong Group na sangkot sa robbery, kidnap for ransom at ma­ging ilegal na droga.

Ayon kay PNP-AKG Luzon Field Unit, Head, Lt Col. Villaflor Bannawagan na bago naganap ang eng­kuwentro kahapon ng alas-5:40 ng umaga sa nasabing lugar ay pinahinto umano ng mga pulis ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo na walang plaka, pero hindi umano huminto ang mga ito sa checkpoint at pinaputukan ang mga pulis dahilan upang gumanti ang mga ito at napatay ang dalawa.

Nabatid na naglagay ng police checkpoint nang makatanggap ng ulat na may dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo ang magsasagawa ng pang­hoholdap.

Ang Mokong Group ay pinamumunuan umano ng isang Ryan Dela Cruz na may nakabinbing warrant of arrest.

Nakuha sa encounter site ang kalibre 45 na baril, sub-machine gun at mga bala.

Show comments