Karnaper’ kumasa sa checkpoint, utas
Nakuhanan pa ng P340K shabu
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Patay ang isang hinihinalang karnaper matapos ang ilang minutong engkuwentro sa pagitan ng mga humahabol na pulis at nakuhanan pa ang suspek ng P340,000 na halaga ng shabu sa Brgy. Sumacab Este, dito, noong Lunes ng gabi.
Ayon kay Police Col. Marvin Joe Saro, Nueva Ecija Police provincial director, hindi akalain ng pulisya na matitisod nila sa isang dragnet operation ang suspek sa pagtangay sa isang tricycle na may dala pang 10 plastic sachet ng umano’y shabu na aabot sa 50 gramo.
Sinabi ni Saro na pinapahinto ng Cabanatuan City Police, Highway Patrol Team-NE at Provincial Drug Enforcement Unit sa inilatag na checkpoint sa lugar ang ‘di kilalang suspek habang minamaneho nito ang nakaw na pampasaherong tricycle (AO3-0137) na may body number E1-415, ngunit tinakbuhan sila nito. Dito na nagkaroon ng habulan hanggang sa magpaputok ang suspek ng homemade caliber .45 pistol kaya nauwi sa engkuwentro pero nang siya ang gantihan ay napuruhan ng bala pagsapit sa Purok Uno.
Napag-alaman na pag-aari ng isang Michael Tayam, 23, binata, construction worker ng Brgy. San Juan Accfa, Cabanatuan City ang nasabing tricycle.
Puwersahan umanong tinangay ng suspek at isa pang kasama nito ang tricycle bandang alas-8:20 ng gabi noong Lunes sa St. Joseph St., Brgy. Kapitan Pepe Subd., kaya agad na ipinagbigay-alam ng biktima ang insidente sa awtoridad.
Bukod sa umano’y shabu, nakuha sa napatay na suspek ang isang singsing, bracelet, P500 cash at isang backpack na may laman na sweat shirt sa napatay na suspek.
- Latest