Ambulansya sinalpok ng 10-wheeler: 4 patay
TAGKAWAYAN, Quezon , Philippines — Apat katao ang kumpirmadong patay habang tatlo ang malubhang nasugatan na pawang mga sakay ng Manila bound na ambulansya makaraang banggain ng kasalubong na 10-wheeler truck sa kahabaan ng Quirino Highway sa Barangay San Vicente ng bayang ito, kahapon ng umaga.
Sa ulat ni P/Major Marcelito Platino, chief of police dito, kinilala ang mga nasawi na sina Melchor Escandor, 45, may asawa, driver ng ambulansya na nakarehistro sa Albay provincial government; Jocelyn Espadero; Silvestre Camposanto at 12-anyos na batang si Aljon Gime; pawang mga taga-Gubat, Sorsogon. Ang isa ay dead-on-the-spot habang ang driver at dalawang nabanggit ay dead-on-arrival sa ospital.
Ginagamot naman sa Maria Eleazar District Hospital ang iba pang mga sakay ng ambulansya na sina Lanie Escandor, 43; Rose Ann Espineda, 30 at isang 8-anyos na kapatid ni Aljon.
Batay sa imbestigasyon, alas-9:30 ng umaga habang tinatahak ng ambulansyang minamaneho ni Escandor ang highway upang dalhin sa Maynila ang isa sa mga biktima na pasyente nang kainin ang kanilang linya at banggain ng humahagibis na kasalubong na 10-wheeler Isuzu Giga truck na minamaneho ni Gerardo Bandales.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nayupi ang unahang bahagi ng ambulansya na naging sanhi upang magtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan ang mga nasawi. Nahagip din ng trak ang nakaparadang van na minamaneho ni Domingo Tayoto na mapalad na hindi nasaktan.
Nasa kustodya na ng Tagkawayan Police ang driver ng trak na nahaharap sa patung-patong na kaso.
- Latest