MANILA, Philippines — Duguang bumulagta sa kalsada ang dating radio broadcaster na ngayo’y isang online TV news anchor matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Seabreeze Homes, Brgy. Cabid-an, Sorsogon City, Sorsogon noong Lunes ng gabi.
Napuruhan ng punglo sa iba’t ibang bahagi ng katawan sanhi ng kanyang agarang kamatayan ang biktimang si Jobert “Polpog” Bercasio, nasa hustong gulang, tubong Rapu-Rapu, Albay, anchor ng Balangibog internet TV at kasalukuyang naninirahan sa Sorsogon City.
Sa ulat, alas-7:55 ng gabi habang lulan ng kanyang Venus scooter ang biktima at binabagtas ang kahabaan ng kalsada mula sa city proper nang harangin ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo at nakasuot ng helmet at itim na jacket saka pinagbabaril ang una na agarang nasawi sa lugar.
Sa pahayag ng ilang saksi, nakarinig sila ng magkakasunod na putok ng baril at nakita nila ang dalawang suspek na lulan ng motorsiklo na tumakas patungo sa madilim na bahagi at dumaan ng city hall hanggang sa lumusot ng diversion road.
Ayon kay Col. Roque Bausa, provincial director ng Sorsogon Provincial Office, patuloy ang ginagawang imbestigasyon sa iinsidente at isa sa tinututukang anggulo ay ang pagiging hard hitting commentator ng biktima base na rin sa mga posts nito sa kanyang Facebook account.
Iniutos na ni Police Regional Office 5 director Brig. Gen. Bartolome Bustamante na bumuo ng “Task Force Bercasio” sa tulong ng PNP-CIDG upang tumutok sa pamamaslang sa online TV anchor.