SAN RAFAEL, Bulacan, Philippines — May 30 katao ang dinampot ng mga kagawad ng San Rafael Police matapos na maaktuhang nagsasagawa ng drag racing sa gitna ng umiiral na community quarantine dahil sa COVID-19 sa Barangay Coral na Bato bayang ito, Huwebes ng gabi.
Sa ulat, dakong alas-6:45 ng gabi nang salakayin ng mga pulis ang nasabing lugar matapos na makatanggap ng reklamo na may nagaganap na drag racing na dinagsa ng maraming tao.
Agad na tinungo ng mga pulis sa pangunguna ni P/Lt.Col. Ferdinand Germino, hepe ng San Rafael Police Station ang nasabing lugar at huling-huli sa akto ang mga suspek habang nagtatayaan sa kung sino sa mga kalahok sa drag racing ang mananalo.
Kumpiskado sa nasabing iligal na sugal ang isang Toyota Hi-Ace Commuter Van, Mitsubishi Mirage G4, Mitsubishi Adventure, Toyota Wigo, Yamaha Mio, Yamaha Sniper, Yamaha Nmax at P22,280.00 na cash.
Mabilis namang nakatakas ang apat pang lalaki sa nasabing operasyon.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9287 (illegal gambling) at paglabag sa Sec.9 ng RA 11332.