CATANAUAN, Quezon, Philippines — Hindi na umabot pang buhay sa ospital ang isang foreman matapos na makuryente sa construction site ng 3rd District Engineering Office ng DPWH sa Barangay 10 ng bayang ito kamakalawa ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Miguel Anonuevo, 50, may asawa, tubong Mulanay, Quezon at kasalukuyang residente ng San Pedro City, Laguna.
Sa imbestigasyon, bandang alas-7:00 ng umaga habang ikinakabit ng biktima ang kable ng kuryente sa kabilang dulo nang aksidente siyang mapahawak sa talop na bahagi ng linya.
Dahil sa lakas ng boltaheng pumasok sa kanyang katawan, agad na nagkikisay ang foreman na mabilis isinugod sa Bondoc Peninsula District Hospital subalit nalagutan din ng hininga.