LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Dalawang tulak ng droga ang nasawi nang pumalag ang mga ito sa magkahiwalay na drug buy-bust operation sa bayan ng Polangui, Albay at sa Iriga City, Camarines Sur, kamakalawa.
Unang napaslang sa Brgy. Kinale sa bayan ng Polangui ang suspek na si Jay General Mella, 37, residente ng Brgy. Basud at dati nang nahuli sa drug operation noong nakaraang taon.
Sa ulat, alas-3:00 ng hapon sa halip na sumuko ay bumunot umano ng kanyang kalibre 38 baril si Mella at pinutukan ang papalapit na operatiba dahilan para gumanti at mapuruhan ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan at nasawi. Nakuha sa kanya ang 10-sachet ng shabu.
Patay rin ang isang Dian Wekiz Pascual, na itinuturing na nasa provincial drug watchlist matapos na pumalag at makipagbarilan sa mga pulis sa ginawang search warrant operation sa kanilang bahay sa Brgy. Sta. Cruz, Iriga City dakong alas-8:00 ng gabi.
Narekober mula sa kanya ang Kalibre 38 baril at ilang sachet ng shabu.