Cavite, Philippines — Nagtamo ng 3rd degree burn sa mukha at katawan ang isang empleyado matapos itong mahagip sa pagsabog ng high tension wire habang nasa scaffolding at nagkukumpuni ng kuryente sa loob ng isang factory, kamakalawa ng hapon sa loob ng Yeonho Company, FCIE Compound, Brgy. Langkaan 2, Dasmariñas City.
Ang biktima na nasa kritikal na kondisyon ay nakilalang si Rogelio Balonzo Rosales, nasa hustong gulang, trabahador sa nasabing pabrika.
Sa imbestigasyon ni PMSgt Rolando Paulo Figueroa, alas-2:00 ng hapon bago naganap ang insidente, ay kasalukuyang may kinukumpuni ang biktima at nasa ibabaw ito ng scaffolding nang biglang sumabog ang high tension wire at nasapul ito.
Agad namang naitakbo sa Gen Tri Doctors Hospital kung saan nagtamo ito ng 3rd degree burn kaya agad din itong inilipat sa De La Salle Medical Center sanhi ng maselang kalagayan.