Supplier ng droga, todas sa shootout

Dead-on-arrival sa Bautista Hospital ang suspek na si Freddie de Leon, alias “Chukoy”, 37 ng Bagong Pook St., Brgy 48A, Cavite City dahil sa tama ng bala sa katawan.
STAR/ File

CAVITE, Philippines — Bulagta ang isang kilala umanong supplier at tulak ng illegal drugs nang manlaban sa mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa Cavite City kamakalawa ng gabi.

 Dead-on-arrival sa Bautista Hospital ang suspek na si Freddie de Leon, alias “Chukoy”, 37 ng Bagong Pook St., Brgy 48A, Cavite City dahil sa tama ng bala sa katawan.

 Sa ulat ni P/SSgt. Elfie Galit ng Cavite City Police Station, alas-11:50 ng gabi nang ikasa ang buy-bust ng Station Drug Enforcement Team (SDET) sa Brgy. 48A laban sa suspek. 

Nakatunog umano ang suspek sa kalagitnaan ng transaksyon nito sa police poseur buyer kaya bumunot ng baril at pinaputukan nito ang huli. Nagkaroon ng palitan ng putok hanggang sa bumulagta ang suspek. Narekober dito ang isang kalibre 9mm na baril, mga bala, isang kulay blue na sling bag na naglalaman ng cellphone, mga drug paraphernalia at 5.33 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P36,244.

Show comments