Heritage house sa Vigan nasunog, may-ari patay

TUGUEGARAO CITY,  Cagayan, Philippines — Tinupok ng apoy ang dalawang palapag na antigong heritage  house na ikinatusta ng may-ari sa Gen. Luna st., Barangay 1, Vigan City, Ilocos Sur kahapon ng umaga.

Sa report kay City Chief of Police Lt. Col. Fidel Junio, hindi na makilala ang bangkay ni Eric Hassal Singson Hernandez, 51, nang maiahon ng mga awtoridad sa ground floor ng bahay matapos ang dalawang oras na sunog.

 Ayon sa report, tumulong sa BFP Vigan City ang mga pamatay-sunog mula sa katabing bayan ng Bantay at ang Ilocos Sur-BFP upang maapula ang apoy at iwasang madamay pa ang katabing West Loch Hotel at mga antigong bahay sa Calle Crisologo na pinapasyalan ng mga turista. 

Ang sunog ay idineklarang fire out dakong alas-10:00 ng umaga. 

Ang lugar ay umani ng pagkilala matapos gawaran bilang World Heritage Site ng UNESCO noong 1999.

Nabatid kay Junio na si Hernandez na lamang ang hindi pa lumalagda sa kanyang pamilya para sa pagbebenta ng lumang bahay sa katabing West Loch Hotel. 

Ayon kay Junio, si Hernandez ay nalulong sa pagsinghot ng rugby at animo’y bangag sa tuwing nirerespondehan nila ang mga reklamo ng sariling mga kaanak nito.

Noong Agosto 2019, inaresto ng pulisya si Hernandez sa kasong pagnanakaw. (Joy Cantos, Raymund Catindig)

Show comments