Top 1 most wanted, 2 pa dedo sa drug ops
CAVITE, Philippines — Tatlong pinaghihinalaang drug pusher ang bumulagta kabilang ang isang top 1 most wanted person (MWP) sa magkakahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa lalawigang ito kamakalawa.
Patay ang unang suspek na si Ariel Vanta, 46, ng Bagong Pook, Brgy. 48A, Cavite City matapos pumalag sa buy-bust operation ng Cavite City Police dakong alas-8:05 ng gabi sa loob ng Public Cemetery sa Brgy. 48.
Ang napatay na suspek ay kakalabas lamang umano sa Cavite City jail noong Oktubre 2019 dahil sa kasong droga.
Sumunod na operasyon ay sa Brgy. Muzon 1, Rosario dakong alas-10:30 ng gabi kung saan napatay ang suspek na si Rolando Docog na nasa drug watchlist ng Rosario Police. Nanlaban umano ang suspek sa halip na sumuko na nagsabi pang hindi siya magpapahuli nang buhay. Siya ay nakatala bilang top 1 MWP municipal level ng Juban, Sorsogon City sa kasong five counts ng Incest Rape at walang inirekomendang piyansa sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Narekober dito ang isang kalibre .38 homemade paltik at apat na bala, 8 plastic sachet ng shabu (1.82 gramo), drug money at basyo ng kalibre 9mm.
Samantala, napaslang din matapos na umano’y manlaban sa buy-bust ng Imus City Police-DEU dakong alas-11:20 ng gabi sa NIA Road, Brgy. Malagasang 1-G, Imus City ang suspek na sakay ng ebike na si Reynier San Agustin, isang high value target ng pulisya at residente ng Brgy. Bucandala 3, Imus City.
- Latest