Umawat sa away grinipuhan

Kinilala ng Baggao Police ang biktima na si Gregorio de Leon, 25, habang ang suspek ay si Rodel Martinez, 23, isa ring magsasaka at kapwa residente ng Zone 5, Brgy. Bagunot sa nasabing bayan.
STAR/ File

SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Sa kagustuhan na umawat sa nagbabangayan na dalawang kainuman ay nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang magsasaka matapos mapuruhan ng pananaksak sa bayan ng Baggao, Cagayan kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng Baggao Police ang biktima na si Gregorio de Leon, 25, habang ang suspek ay si Rodel Martinez, 23, isa ring magsasaka at kapwa residente ng Zone 5, Brgy. Bagunot sa nasabing bayan.

Napag-alaman na nasa kalagitnaan ng kasiyahan habang umiinom ang grupo ng suspek at biktima sa bahay ng isang Eddie de Leon nang magkaroon ng pagtatalo ang suspek at isang Rodolfo Guzman na nauwi sa bangayan. Minabuti umano ng biktima na umawat nang makita na sasaksakin ng suspek si Guzman subalit siya ang sinaksak at tinamaan sa tiyan.

Mabilis na isinugod sa Cagayan Valley Medical Center ang biktima na kasalukuyang inoobserbahan habang agad na dinakip ng mga opisyal ng barangay ang suspek.

Show comments