MANILA, Philippines — Patay ang tatlong batang babae makaraang mahulog sa ilog sa Brgy. Taal, Bocaue, Bulacan noong Sabado ng hapon.
Sa ulat ng Bocaue Municipal Police Station (MPS), ang mga biktima ay nasa edad na anim, 9 at 10 at hindi pinangalanan.
Nabatid na ang 6 at 9 na taong gulang na biktima ay magkapatid habang ang 10-anyos na nene ay kanilang kalaro at kaibigan.
Base sa imbestigasyon, naglalaro ang tatlo sa pampang ng ilog dakong alas-2:00 ng hapon nang gumuho ang tinutuntungan nilang lupa at nagtuluy-tuloy silang dumausdos sa ilog na may lalim na 15 talampakan.
Hindi kinaya ng tatlo na makaahon sa tubig at agad silang tinangay ng agos ng ilog hanggang sa tuluyang lumubog at malunod.
Bagama’t naging mabilis ang ginawang rescue operation ng ilang lalaking residente sa lugar pero patay na ang mga biktima nang sila ay marekober.
Dahil sa nasabing insidente, agad na nilagyan ng steel railings ang tabing ilog habang nangako naman ng tulong pinansyal ang pamunuang bayan ng Bocaue sa pamilya ng mga batang nasawi.