MANILA, Philippines — Nasagip ng mga sundalo ang isang menor-de-edad na bagong recruit ng New People’s Army (NPA) na ginawa nilang combat warrior sa security operation ng militar sa Brgy. San Carlos, Echague, Isabela kamakalawa.
Sa report ni Lt. Gen. Ramiro Rey, commander ng AFP-Northern Luzon Command ang binatilyong combat warrior na itinago sa pangalang Macoy ay nakita ng tropa ng 86th Infantry Battalion sa ilalim ng 502nd Infantry Brigade ng Phi-lippine Army habang armadong gumagala bitbit ang isang M16 rifle sa kagubatan.
“With strict fire discipline, the soldiers were able to decisively restrain the armed child that prevented a violent confrontation. Our troops are well trained to use non-lethal means to subdue any threat. Our troops are well disciplined with high regard to human rights,” pahayag ni Lt. Col. Ali Alejo, acting commanding officer ng 86th Highlander Battalion na nakabase sa Jones, Isabela.
Nakumpiska mula sa batang rebelde ang isang M16 rifle na may apat na magazine, isang anti-personnel mine, 100m wire, isang 12 volts ng battery, isang itim na t-shirt ng CPP-NPA, dalawang two-way radio, binoculars, sling bags, mga subersibong dokumento, sari-saring gamot at iba pang kagamitan.
Sa interogasyon, sinabi ng batang rebelde na ni-recruit siya kasama ang mga kala-rong kabataan ng NPA rebels sa pangakong gagawin silang bayani.