TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Mahigit 40 katao ang nagsiksikan sa presinto matapos damputin sa umano’y pangongolekta ng pera sa mga residente gamit ang samahan ng “Marcos Loyalist” sa Brgy. Centro Northwest, Solana, Cagayan noong linggo.
Sa report kay Cagayan Police Director Colonel Ariel Quilang, dinakma ng awtoridad sina Rolando Bancud, 36, ng Brgy. Bayo, Iguig at Norbert Cannu, 41, ng Flora, Apayao na kapwa nagpapakilalang Regional Commander ng Centennial Force Foundation Incorporated (CFFI) sa Cagayan Valley at nasa 42 pa nilang unipormadong miyembro na umano’y nagbahay-bahay upang komolekta ng tig-P50 sa mga residenteng nagnanais mapasama sa “master’s list” ng “Maharlika Movement” na umano’y samahan ng mga Mar-cos Loyalist.
Ayon sa imbestigasyon, kapag umabot sa dalawang milyong katao ang na-recruit nilang miyembro ng samahan ay otomatikong makakatanggap sila ng 18 euros o P1,000 na ipapasok sa kanilang bank account.
Bagama’t walang kaukulang papeles gaya ng SEC Registration at Mayor’s permit ang grupo, dinala ang mga hinuli sa himpilan ng pulisya upang isailalim pa sa pagsisiyasat.
Sinabi ni Captain Jhun-Jhun Balisi, bagama’t hindi nagkasya sa selda ang 44 katao kabilang ang mga babae ay ipinagpasya niyang ilagay sila sa covered rooftop ng kanilang himpilan habang inihahanda ang isasampang kasong estafa laban sa kanila.
Matatandaan na noong Setyembre, nagantso rin ng isa pang grupo ang daan-daang mamamayan sa Cagayan na kinolektahan kabilang ang mga katutubong Aeta na namuti ang mata sa kahihintay ng mga susundo sa kanila patungong Marikina City upang makibahagi sa umano’y “Marcos wealth” na hindi naman sila sinipot. Anim na katao ang kinasuhan ng awtoridad sa insidente.
Kaugnay nito, itinanggi ng pamilya Marcos na may kinalaman sila sa mga nasabing raket sa Cagayan na gumagamit sa kanilang pangalan.