Bar owner, mag-utol na kustomer dedo sa habulan!

Kinilala ni P/Lt. Col. Nerwin Ricohermoso, hepe ng pulisya rito ang negosyante na si Eurigine Jiao, 47-anyos, may-ari ng Kabogs Bar na pinag-inuman ng magkapatid na sina Teddy Laudato, 30-anyos at Edgardo Laudato, 28, kapwa residente ng 166 Brgy. San Jose, Dasmariñas City, Cavite.
File

CAVITE, Philippines — Isang negosyante na nagmamay-ari ng isang bar at isang magkapatid na kustomer nito ang kapwa patay matapos ang kanilang umaatikabong habulan makaraang takasan umano ng magkapatid ang kanilang bill sa mga inorder na inumin at pulutan sa Don P. Campos Avenue, Brgy. Sabang, Dasmariñas City kamakalawa.

Kinilala ni P/Lt. Col. Nerwin Ricohermoso, hepe ng pulisya rito ang negosyante na si Eurigine Jiao, 47-anyos, may-ari ng Kabogs Bar na pinag-inuman ng magkapatid na sina Teddy Laudato, 30-anyos at Edgardo Laudato, 28, kapwa residente ng 166 Brgy. San Jose, Dasmariñas City, Cavite.

Ang tatlo ay pawang dead-on-arrival sa ospital dahil sa matitin­ding pinsalang inabot sa katawan.

Ayon kay Ricohermoso, alas- 2:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente.

Bago ang habulan, nag-inuman ang magkapatid na Laudato sa nasabing bar at nang malasing ay napansin ni Jiao na nagtatalo ang dalawa kung kaya nilapitan na niya upang awatin.

Napag-alaman na kaya nag-aaway ang mag-utol ay nagtuturuan kung sino sa kanila ang magbabayad sa mga inorder.

Nang hindi maawat, biglang lumabas ng bar ang magkapatid at mabilis na sumakay sa kanilang motorsiklo na Honda Wave MC (4645 DH) saka pinasibat.

Dahil dito, hinabol ng may-ari ng bar ang magkapatid sakay naman ng kanyang Yamaha NMAX. Tumagal ng may ilang minuto ang habulan at pagsapit nila sa pakurbang kalsada sa may Don P. Campos Avenue, Brgy. Sabang malapit sa isang elementary school ay dito na nawalan ng kontrol ang motorsiklo ng magkapatid dahil sa bilis ng kanilang patakbo sanhi upang tuluy-tuloy na sumalpok sa konkretong pader ng isang mala­king bahay sa gilid ng kalsada.

Dahil sa halos dikit ang negosyante sa mga hinahabol, minalas din siyang sumalpok sa nasabing pader.

Kapwa humandusay ang tatlo at dahil sa madaling araw nangyari ang insidente ay mahigit sa kalaha­ting oras pa bago sila naitak­bo sa Pagamutang Bayan ng Dasmariñas kung saan pare-pareho silang idineklarang patay.

Show comments