Mag ina, empleyada utas sa killer bus
CAVITE , Philippines — Tatlo katao ang patay kabilang ang isang mag-ina habang dalawa pa ang inoobserbahan sa pagamutan matapos silang araruhin ng isang rumaragasang shuttle bus habang bumabagtas sa kahabaan ng Governors Drive Brgy. Maduya, Carmona, lalawigang ito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Teresa Ancheta, nasa hustong gulang, anak nitong si Trisha, 14-anyos, estudyante; kapwa residente ng Almoro Compound, Biñan City, Laguna na kapwa sakay ng tricycle at ang pasahero ng shuttle bus na tumalon palabas na nakilalang si Gemma Protacio, isang empleyada at residente ng Maduya, Carmona, Cavite.
Tumakas naman ang driver ng shuttle bus matapos ang insidente na nakilala lamang sa pangalang alyas “Tokyo”.
Nilalapatan na ng lunas sa ospital ang mga sugatang sina Lily Villamor, isang pedestrian at ang mister ng nasawing ginang na si Dexter Jose Salas Ancheta, driver ng tricycle na sinakyan ng kanyang mag-ina.
Sa ulat, dakong alas-9:00 ng gabi habang minamaneho ni alyas Tokyo ang Daewoo BS106 bus (RMP310) at bumabagtas sa nasabing lugar nang masalpok nito ang pedestrian na si Villamor.
Pagkasalpok kay Villamor, hindi huminto si alyas Tokyo at bagkus ay humarurot patakas kaya halos tumagilid ang sasakyan dahilan upang magpanik at tumalon palabas ng bus ang isang sakay nito na si Protacio.
Sa halip na huminto, nagtuluy-tuloy ang nasabing driver dahilan upang masalpok nito ang tricycle na sinasakyan ng mag-anak na Ancheta na ikinamatay ng mag-ina.
Sa kabila nito, pinaharurot pa rin ng driver ang bus kung kaya nasagi pa nito ang isang Isuzu truck. Dito na inabandona ng driver ang shuttle bus at tuluyan na siyang tumakas.
- Latest