CAVITE , Philippines — Dalawang obrero na sakay ng isang multicab ang patay habang kritikal ang kanilang driver makaraang sumalpok ang kanilang sasakyan sa konkretong poste sa gilid ng kalsada kamakalawa ng gabi sa Aguinaldo Highway, Brgy. Biga 2, Silang, dito.
Kinilala ni P/Col. Resty Soriano, hepe ng pulisya sa lungsod na ito ang mga biktima na kapwa dead-on-the-spot na sina Christian Quising, 27, at Hermis Bisco, 24, kapwa construction worker ng Brgy. Biga 2, Silang habang kritikal sa pagamutan ang kasamang driver na si Eric Piñero, 28, helper ng Tibayan’s Compound, Brgy. Biga 2, Silang, Cavite.
Sa ulat ng pulisya, alas-11:30 ng gabi habang sakay at magkakatabi sa unahang bahagi ng isang Suzuki Multicab (EEA-6310) ang mga biktima at bumabagtas sa nasabing lugar nang mapadaan sa pakurbang kalsada hanggang dito na nawalan ng kontrol sa manibela ang driver bunsod sa bilis ng takbo at tuluy-tuloy na sumalpok sa konkretong poste na nasa gilid ng highway.
Tumilapon palabas ang isa sa mga biktima habang naipit ang driver at isa pa sa loob ng sasakyan na nayupi sa tindi ng pagkakasalpok.