CAVITE, Philippines — Sumuko sa pulisya ang isang retiradong pulis na kabilang sa heinous crime convict at napalaya sa ilalim ng GCTA Law sa Camp Pantaleon Garcia, Imus City kamakalawa ng umaga. Kinilala ni Cavite Provincial Director Sr. Supt. William Segun ang sumukong suspek na si Enrique Reyes.
Sa ulat ng pulisya, alas-10:00 ng umaga nitong Setyembre 20 nang magtungo sa nasabing kampo si Reyes na sinamahan ng kanyang pamilya upang sumuko matapos magbaba ng kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte na muling ibalik sa kulungan ang mga napalayang convicts sa ilalim ng GCTA Law.
Si Reyes ay nakulong sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City matapos masentensyahan ng 10-17 taong pagkabilanggo ng RTC Br. 54 ng Manila City dahil sa kasong pagpatay.
Siya ay nakalaya sa NBP noong Pebrero 22, 2019 matapos na mabigyan ng pagkakataon ng Board of Pardon and Parole sa ilalim din ng GCTA law na may pirma ni CSSupt. Gerardo Padilla, opisyal sa NBP.