Bebot ginahasa, pinatay bago sinunog
MANILA, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang babae matapos na hinihinalang ginahasa muna bago pinagbabaril at sinunog pa ang mukha saka iniwan ng hindi kilalang salarin sa isang bakanteng lote sa Brgy. Patitinan, Sagnay, Camarines Sur kahapon ng umaga.
Ang biktima ay tinatayang nasa pagitan ng 25-35 anyos at walang nakuhang anumang pagkakakilanlan nito sa lugar.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) V, bandang alas-7 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng babae na walang saplot pang-ibaba habang sunog na sunog mula dibdib hanggang ulo nito na inabandona sa gilid ng kalsada sa Sitio Rawis, Brgy. Patitinan, Sagnay ng nasabing lalawigan.
Ayon kay P/Major Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol Police, isang Bernard Corderes ang nakatagpo sa bangkay matapos siyang mapadaan sa naturang lugar. Agad niya itong inireport sa mga awtoridad na mabilis na nagresponde sa crime scene.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Sagnay Municipal Police, posibleng sa nasabing lugar mismo brutal na pinaslang ang nasabing babae base sa mga basyo ng bala na narekober sa lugar.
Wala namang nakakakilala sa mga residente sa biktima na pinaniniwalaang taga-ibang lugar.
Isinailalim na sa awtopsiya ang bangkay habang patuloy ang imbestgasyon ng pulisya sa kaso.
- Latest