LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Patay ang isang dalaga na graduating student sa kolehiyo matapos pagsasaksakin ng kanyang boyfriend na bumagsak sa police training makaraan ang kanilang mainitang pag-aaway dahil sa sobrang selos sa kahabaan ng kalsada ng Purok-1, Brgy. San Antonio, Tabaco City noong Martes ng gabi.
Duguan at nakasuot pa ng kanyang uniporme habang nakahandusay sa kalye nang matagpuan ng isang residente ang biktimang si Jackielyn Cellona, 4th-year business administration student ng Dr. Carlos Lanting College at residente ng Purok-6, Brgy. Tanawan, Malinao, Albay.
Sumuko naman sa mga pulis ang suspek na si Ryan Caturza Carale, 23-anyos, residente ng Brgy.10, Bacacay matapos ang pagpatay sa nobya.
Sa ulat, dakong alas-6:20 ng gabi, habang naglalakad ang residenteng si Nelson Moral nang mapansin nito ang nakahandusay at duguang biktima sa nasabing kalsada.
Sa imbestigasyon, sinundo ng suspek sa eskuwelahan ang biktima at pumunta sa nasabing barangay subalit nag-away umano ang dalawa dahil sa pagseselos ng una hanggang sa bumunot ng patalim ang huli at pinagsasaksak ang biktima hanggang sa mamatay.
Tumakas ang suspek pero kalaunan ay sumuko rin kasama ang kanyang ina at kapatid sa Bacacay Police Station at inaming napatay niya ang nobya.
Ayon sa suspek, matinding selos ang nagtulak sa kanya para patayin ang kasintahan dahil sa third party o karibal sa kanilang relasyon.
Sinabi naman ng nanay ng suspek na nakararanas ng depresyon ang anak makaraang hindi makapasa sa agility test sa police training nito sa Camp Simeon Ola. Joy Cantos