Martilyo Gang umatake, P4.5-M alahas nadale
MANILA, Philippines — Tumataginting na P4.5-milyong halaga ng mga alahas at cash ang natangay mula sa dalawang jewelry shop sa isang mall sa Bacolod City, Negros Occidental matapos salakayin ng siyam na sinasabing mga miyembro ng Martilyo Gang, nitong Miyerkules ng gabi.
Sa ulat ng Bacolod City Police, bandang alas-6:30 ng gabi nang holdapin ng mga suspek na armado ng martilyo at palakol ang F& C Jewelry Pawnshop at Haoling Jewelry Pawnshop na nasa loob ng isang kila-lang mall sa Brgy. Singcang-Airport sa lungsod.
Agad na nagdeklara ng holdap ang mga suspek kung saan ay pinagbabasag ng mga ito ang salaming eskaparate sa jewelry shop saka sinimot ang mga alahas dito.
Tumagal lamang ng ilang minuto ang panghoholdap kung saan nagawang matangay ng mga suspek ang nasa P700,000 halaga ng cash at mga alahas mula sa F & C shop habang sa Haoling shop ay nagawa namang makatangay ng mga suspek ng P3,870,000.00 halaga ng pera at mga alahas.
Ang mga suspek ay mabilis na tumakas sakay ng tatlong motorsiklo patungo sa ‘di nabatid na direksyon.
Sa follow-up investigation, ay natukoy naman ng isang testigo ang dalawa sa mga suspek na kinilalang sina Marlon Parojinog at Kenneth Bono.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang kaso.
- Latest