KIDAPAWAN CITY, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang pastor matapos na tambangan at pagbabarilin ng ‘di pa kilalang mga suspek sa Purok 5, Brgy. Magsaysay, Antipas, North Cotabato kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Ernesto Javier Estrella, 51-anyos, may asawa, pastor ng United Church of Christ in the Philippines o UCCP Antipas at residente ng Purok 6, Brgy. Malatab ng bayan.
Sa ulat ng Antipas Police, alas-7:15 ng umaga habang patungo sana ang biktima sa Brgy. Poblacion sakay ng kanyang motorsiklong Yamaha STX nang pagsapit sa Purok 5 ay pinagbabaril ng mga suspek na lulan din ng motorsiklo mula sa kasalungat na daan.
Nagtamo ng tama ng bala ang biktima sa ulo dahilan ng kanyang agarang kamatayan habang mabilis na tumakas ang mga suspek sa ‘di pa malamang direksyon.
Sinisiyasat pa ng pulisya ang motibo sa pamamaslang at mga nasa likod nito.