MANILA, Philippines — Patay ang 10 elementary pupils at isang guro habang 16 ang sugatan matapos bumaliktad ang kanilang sinasakyang truck makaraang ibangga ito ng driver sa gilid ng bundok upang hindi tuluyang mahulog sa bangin habang patungo sa dadaluhang sports activity naganap sa bayan ng Boljoon, Cebu kahapon ng umaga.
Ang mga nasawi na mula sa Nangka Elementary School ay sina sina Jerome Nierre, 11; Mary Ann Filipino, 12; Janna Delos Santos, 12; Clint Isidore Dugang, 10; Jefferson Jorpo, 11; Alexander Villa-nueva, 20; Mark Lloyd Mosqueda, 12; at Riza Mae Viñan, 10; pawang mga nasa edad 10 hanggang 12; gurong si Victoria Gorozonm, 40. Ang walong estud-yante at kanilang guro ay pawang dead-on-the-spot sa insidente habang idineklara namang dead-on-arrival sa pagamutan ang dalawang iba pang mag-aaral na inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang 16 na nasugatan sa aksidente.
Sa ulat, sinabi ni Cebu Provincial Police Office (PPO) Director Police Colonel Rhode-rick Mariano, dakong alas-7:00 ng umaga, papunta sana sa isang sports activity ng Department of Education (DepEd) sa Brgy. Poblacion ang mga biktima sakay ng Foton dump truck (SKV-242) na minamaneho ni Danilo Niere, nasa hustong gulang, nang pababa na ang truck buhat sa matarik na bahagi ng highway sa Brgy. Upper Becerril, Boljoon ay bigla umanong mawalan ito ng preno dahilan upang bumulusok ito pababa.
Sinikap ng driver na kontrolin ang manibela at upang hindi mahulog sa bangin na nasa gilid ng highway ay minabuti nitong ibangga ang trak sa gilid ng bundok bunsod upang tumagilid ang truck na ikinasawi at ikinasugat ng mga biktima.
Samantalang nahirapan naman ang rescue team sa pagsaklolo sa mga biktima dahil sa kakulangan ng ambulansya sa lugar.
Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, multiple physical injuries, at damage to property ang driver ng truck habang patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa natu-rang trahedya.