MANILA, Philippines — Pitong kakataying aso ang nasagip kasunod ng pagkakaaresto ng mag-asawang sangkot sa pagkakatay at pagbebenta ng karne ng nasabing hayop sa operasyon sa Cabanatuan City, Nueva Ecija nitong Huwebes ng hapon. Kinilala ang mga nasakoteng mag-asawa na sina Danilo at Susana Gallardo, kapwa ng Brgy. Barreta ng lungsod.
Ang mag-asawa ay itinurong nagde-deliver ng mga hilaw na karne aso at maging lutong ulam nito sa kanilang mga kapitbahay.
Sa ulat kay PNP-Criminal Investigation Detection Group (CIDG) Director Police Major General Amador Corpus, bandang alas-12:50 ng hapon nang salakayin ng kanilang mga operatiba at ng Animal Kingdom Foundation ang tahanan ng mag-asawa sa Brgy, Barreta ng nasabing siyudad. Hindi na nakapalag ang mag-asawa matapos na maaktuhan sa aktong kakatayin ang pitong aso na nasagip sa operasyon.