NORTH COTABATO, Philippines — Sugatan ang tatlong magkakamag-anak na luluwas ng bayan para ibenta ang kanilang produktong mais makaraan silang tambangan at pagbabarilin sa bahagi ng Brgy. Ginatilan, Pikit nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ni Police Capt. Mautin Pangandigan ang hepe ng Pikit Police ang mga sugatan na sina Omar Delna Akob, 26; Tala Maulana Matabalao, 30, kapwa magsasaka at isang 15-anyos; pawang residente ng Brgy. Langayen, Pikit.
Ayon sa ulat, galing umano sa Brgy. Lagundi ang mga biktima at nagbilad ng kanilang mais.
Pagdating ng alas-4:30 ng hapon ay papalabas sila sa bayan upang ibenta ang kanilang mais pero pagsapit nila sa nasabing lugar ay pinagbabaril sila ng dalawang ‘di kilalang suspek sakay ng CT100 Bajaj na walang plaka.