LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Muli na namang nakalambat ang mga mangingisda ng 40-bloke ng cocaine na tinatayang mahigit P218-milyon ang halaga habang palutang-lutang sa karagatang sakop ng Brgy. Bagacay sa bayan ng Gubat, Sorsogon kamakalawa ng tanghali.
Ayon sa ulat, dakong alas-12 ng tanghali habang nangingisda sa karagatan ang tatlong mangingisda na sina Melvin Caneza Gregorio, Loubert Esponilla Ergina at John Mark Nabong nang kanilang mapansin ang palutang-lutang na 12 kahon na nababalutan ng itim na garbage bag.
Agad nila itong nilambat at nang tingnan ay nagduda sila sa laman nito dahil sa mga naunang balita hinggil sa mga drogang nakuhang palutang-lutang noon sa karagatan ng bayan ng Matnog at sa ibang bahagi ng bansa. Iniuwi agad nila ang mga kahon at ipinagbigay-alam kay Brgy. Capt. Rommel Lakandula na siyang nag-report sa Gubat Police.
Nang rumesponde ang mga pulis, inabutan nila sa lugar ang 9 na maliliit at tatlong malalaking kahon at nang kanilang buksan ay tumambad ang 40-bloke na may lamang pulbos na puti. Kada bloke ay may markings o nakasulat na “BOX” na nababalot ng kulay brown na packing tape.
Agad ipinadala sa Camp Gen. Simeon Ola sa Legazpi City ang mga nakuhang droga na isinailalim sa laboratory examination ng PNP Crime Lab at ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Lumabas sa laboratory test na ang mga nalambat ay positibong cocaine na umaabot lahat sa 39 kilo o kulang ng isang kilo bawat isang bloke na may market value na P218,400,000. (Joy Cantos)