3 tulak patay sa buy bust

CABANATUAN CITY, Nueva Ecija  , Philippines  —  Tatlong hinihinalang mga tulak ng droga ang iniulat na napatay sa isinagawang buy bust operations sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigang ito, ayon sa ulat ng pulisya kahapon. Sa natanggap na ulat ni Police Col. Leon Victor Rosete, provincial commander ng Nueva Ecija Police, nakilala ang mga napatay na drug suspect na sina Alberto Dela Cruz, alyas ‘Ambet’/’Jabar’, nasa hustong edad ng Purok Matatag, Barangay Barrera, Cabanatuan City; Arturo Alfonso, 36, ng Barangay Poblacion, Moncada, Tarlac; at Raul Pineda, alyas “Ram Paul”, nasa hustong edad ng Barangay Matadero, Cabanatuan City, NE.

Sa ulat ng Nampicuan Police station, nagsagawa sila ng buy-bust operation bandang alas-9:30 ng gabi noong Sabado sa Barangay Recuerdo, Nampicuan, NE, kung saan ang ka-transaksyon nilang suspek na si Arturo Alfonso ay bigla na lang umanong bumunot ng baril at pinaputukan ang kanilang mga tauhan gamit ang isa umanong kalibre .38 baril.

Gumanti naman ng putok ang operatiba at napatay si Alfonso na nakuhanan ng 7 plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang caliber 9mm baril at ang ginamit nitong short fiearm.

Ayon naman sa Palayan City Police, napatay ng kanilang mga kagawad ang suspek na si Pineda nang manlaban umano ito sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Militar, Palayan City, bandang alas-11:10 ng gabi noong Sabado habang nakatakbo palayo umano ang kasabwat nitong lalaki at naglaho sa dilim.

Narekober sa pinangyarihan ang isang plastic sachet ng umano’y shabu, 3 misfired na bala ng cal. 38, 2 fired cartridge cases ng cal. 38, 3 fired cartridge cases ng cal. 9mm. at isang P500 bill na may #CF185702 na marked money. Kabilang umano si Pineda sa drug watchlist ng Cabanatuan City PNP.

Madaling-araw naman ng Linggo, bandang alas-2:30, nang mapatumba ng Cabanatuan City Police si Dela Cruz, nang manlaban umano ito sa isinagawang buy-bust operation sa Purok Amihan, Barangay Barrera, Cabanatuan City.

Nakuha kay Dela Cruz, na kasama umano sa drug watchlist sa istasyon ng pulisya rito, ang 12-plastic sachet ng hinihinalang shabu, ang baril nitong calibre .38 revolver, isang motorized tricycle at ang P500 bill na marked money.

Show comments