Tserman na ‘utak’ sa krimen, 2 pa arestado
MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang retiradong Philippine Marine nang pagbabarilin ng limang armadong kalalakihan habang nasa labas ng kanyang tahanan sa Purok 3, Brgy. Basiad sa bayan ng Sta. Elena, Camarines Norte, kamakalawa ng umaga.
Bunsod ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan, nasawi noon din ang biktimang si Domingo Caneba, residente ng nasabing lugar.
Agad namang nadakip ang dalawa sa limang gunmen at ang chairman ng Brgy. Maulawin na si Rando Boridas Macasinag na siyang ‘utak’ umano sa pamamaslang sa biktima ayon sa salaysay nina Jayson Orencio, 28, ng Brgy. Lagalag, Tiaong, Quezon; at Henry Adriano, 43, residente ng Brgy. Macababan Norte, Candelaria, Quezon.
Sa ulat, dakong alas-9:30 ng umaga habang nasa labas ng kanilang bahay ang biktima nang dumating ang limang armadong kalalakihan na sakay ng dalawang motorsiklo at bigla na lamang pinagbabaril ang biktima na duguang bumulagta.
Agad namang rumesponde ang mga pulis at hinabol ang papatakas na mga suspek kung saan inabutan ang dalawang sakay ng isang motorsiklong Yamaha SZ-R na nagtago sa mga puno ng bakawan at nakipagbarilan.
Makalipas ang limang minutong palitan ng putok ay sumuko sina Orencio at Adriano at tahasang itinuturo si Brgy. Chairman Macasinag na siya umanong nag-utos na patayin ang biktima kung kaya’t dinakip din ito ng mga pulis.
Narekober ng mga pulis sa bakawan ang isang kalibre .45 at isang kalibre 9mm na baril na ginamit ng mga suspek habang patuloy namang tinutugis ang tatlo pang nakatakas na gunmen.