1 blokeng ‘floating cocaine’ pa nalambat

Ininspeksyon ng pulisya sa pamumuno ni P/Supt. Paul Abay (kaliwa), director ng Catanduanes Provincial Police Office ang isang blokeng cocaine na nalambat ng isang mangingisda sa karagatang sakop ng Catanduanes kamakalawa.
Jorge Hallare

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Kumpirmadong isa na namang bloke ng cocaine ang nalambat ng isang mangingisda habang palutang-lutang sa Pacific Ocean na sakop ng bayan ng Baras sa Catanduanes kamakalawa ng umaga.

Ang isang bloke ng cocaine na nababalot ng itim na plastic at brown packaging tape ay nakita sa karagatan ng mangingis­dang si John Anthony Abad Tabinas, 27-anyos, residente ng Brgy. Putsan ng nasabing bayan.

Sa ulat, dakong alas-11 ng umaga habang nangingisda sa dagat si Tabinas nang mapansin ang bloke na nababa­lutan ng itim na plastic kaya kinuha niya ito at binuksan para tingnan ang laman. Gayunman, nagduda siyang droga ito dahil sa puting granules  na laman na pareho ng naunang mga nakuha ng mga ma­ngingisda sa ilang karagatan.

Dahil dito, dakong alas-2 ng hapon nang umuwi siya at agad dinala sa Baras Police station ang natagpuang bloke at bo­luntaryong itinurn-over ito.

Sa pagsusuri ng che­mist na si Abegail Miranda, kinumpirma nito na cocaine ang laman ng bloke na tumitimbang ng 1,011.4 grams o mahigit sa isang kilo at may street value na mahigit P5 milyon.

Pinaniniwalaang bahagi pa ang nasabing droga ng mga naunang nalambat ng mga mangi­ngisda sa karagatan ng Kabikolan at Quezon province.

Show comments