3 dedo, 5 sugatan sa motorbike crash
ALABAT ISLAND, Quezon , Philippines — Tatlo ang patay at lima pa ang sugatan sa aksidente ng mga motorsiklo sa magkahiwalay na insidente sa Alabat Island, Quezon at Makilala North Cotabato kamakalawa.
Sa Quezon, nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan ang namatay na si Antonio Malate, 45, driver, ng Brgy. Bagong Silang, Perez, Quezon habang ginagamot sa Alabat Island District Hospital dahil sa mga tinamong sugat sina Perla Vallas, 38; Jennifer Malate, 9; Marvin Soliano, 16; Edison Buefano, 17, at Erico Gutierrez, 15.
Dakong alas-4:00 ng umaga habang marahang minamaneho ni Antonio ang kulay asul na Kawasaki at nakaback-ride sina Perla at Jennifer sa Brgy. Poblacion patungo sa kabayanan ng isla nang banggain ng kasalubong at humaharurot na motorsiklo ni Soliano at naka-backride sina Buefano at Guiterrez. Kapwa tumilapon ang mga sakay ng dalawang motorsiklo na ikinasawi ni Antonio.
Samantala sa North Cotabato, patay din ang dalawang rider na sina Jimmy Danela, 55, at Helbert Quiao, 23, matapos na magsalpukan ang kanilang minamanehong motorsiklo sa kasagsagan ng pagsalubong ng bagong taon dakong alas-6:10 ng gabi sa Sitio Lutao, San Vicente, Makilala.
Ayon kay SPO1 Xerxes Anthony Fiel, ng Makilala Police Traffic Division, habang binabagtas ng dalawa sakay sa kani-kanilang motorsiklo ang national highway sa magkasalungat na direksyon nang biglang magbanggaan.
- Latest