MANILA, Philippines — Isang bagitong kagawad ng barangay ang nasawi matapos ambusin ng ‘di pa natutukoy na mga salarin habang sakay ng kanyang motorsiklo sa Cotabato City, kamakalawa ng hapon.
Naisugod pa sa pagamutan ngunit idineklarang dead-on-arrival sanhi ng mga tinamong tama ng punglo sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Barangay Rosary Heights 7 Kagawad Jainudin Ella Dimao, 28-anyos.
Sa inisyal na report ng pulisya, pauwi na sana ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo nang sa isang bahagi sa Gonzalo Javier St., sa naturang lugar nang biglang lumitaw ang mga salarin at walang pagliliming nirapido ng bala si Dimao hanggang sa mapatay.
Sa ngayon ay inaalam pa ng mga otoridad ang motibo sa pamamaslang sa biktima habang sinisikap na makakuha ng CCTV footage mula sa mga bahay at establisyimento sa lugar para sa posibleng pagkilala sa mga salarin. (Joy Cantos)